Pacers, Nuggets tumabla sa 2-2
INDIANAPOLIS — Bumira si Tyrese Haliburton ng 20 points sa 121-89 paggiba ng Indiana Pacers sa New York Knicks sa Game Four para idikit sa 2-2 ang kanilang Eastern Conference semifinals series.
Ito ang ikalawang sunod na panalo ng Pacers matapos mahulog sa 0-2 agwat sa Knicks.
Nag-ambag si T.J. McConnell ng 15 points at 10 assists, habang nagtala sina Obi Toppin at Pascal Siakam ng tig-14 markers kasunod ang 13 points ni Myles Turner.
Dadalhin ang Game Five sa New York.
Tumipa si Jalen Brunson ng 18 points, 3 rebounds at 5 assists para sa Knicks na naglaro na wala si forward OG Anunoby (hamstring injury).
Kaagad nag-init ang Pacers sa first period kung saan sila nagtayo ng isang 23-point lead patungo sa paglayo sa fourth quarter para sa panalo.
Sa Minneapolis, humugot si Nikola Jokic ng 16 sa kanyang 35 points sa fourth quarter para igiya ang nagdedepensang Denver Nuggets sa 115-107 paggupo sa Minnesota Timberwolves sa Game Four at idikit sa 2-2 ang kanilang Western Conference semis series.
Nagdagdag si Aaron Gordon ng 27 points mula sa 11-for-12 field goal shooting para sa Denver na kakuha kay Jamal Murray ng 19 points.
Pinamunuan ni Anthony Edwards ang Minnesota sa kanyang 44 points na isang franchise postseason record.
- Latest