Lady Cardinals sumosyo sa No. 3

MANILA, Philippines — Binalikat nina Mapua so­phomore-rookie tandem Ro­xie Dela Cruz at Raissa Ri­cablanca ang puntusan upang posasan ang Letran, 25-19, 25-22, 21-25, 27-25, sa NCAA Season 99 wo­men’s volleyball tour­na­ment kahapon sa FilOil EcoOil Centre.

Tumikada si Ricablanca ng team-high 19 points kasama ang 15 attacks, tatlong blocks at isang ace, habang inirehistro ni Dela Cruz ang 14 markers, 11 digs at 10 receptions pa­ra sa pagsosyo ng Lady Cardinals sa No. 3 spot.

Kinahon ng Mapua ang pangatlong sunod na panalo para sa 4-2 karta kagaya ng Letran.

May tsansa sanang ma­walis ng Lady Cardinals ang Lady Knights sa tatlong sets, pero nalusaw ang 15-10 bentahe nila at naagaw pa ang lamang, 21-24, kaya nakahirit ang kalaban ng fourth set.

Pinamunuan ni Lea Tapang ang Letran sa kanyang 12 points at nag-ambag sina Judiel Nitura at rookie Gia Maquilang ng tig-10 markers.

Samantala, maghaha­rap ngayong alas-9 ng umaga ang San Beda at EAC at magkatapat ang Lyceum at Jose Rizal sa alas-2 ng ha­pon.

Show comments