Tres ni Harden nag-angat sa Clippers

James Harden.
Tim Nwachukwu / Getty Images North America / AFP

LOS ANGELES — Isinalpak ni James Harden ang isang tiebreaking 3-pointer may kasama pang foul para akayin ang Clippers sa 106-100 paggupo sa Houston Rockets sa NBA In-Season Tournament.

Tinapos ng Los Angeles (4-7) ang five-game lo­sing slump sapul nang mahugot si Harden sa trade sa Philadelphia 76ers.

Kinumpleto ni Harden ang kanyang four-point play kay Jae’Sean Tate sa huling anim na segundo para pigilan ang six-game winning streak ng Houston (6-4).

Ipinasok ni Kawhi Leonard ang dalawang free throws sa huling segundo at tumapos na may 26 points para sa Clippers na nakahugot kay Harden ng season-high 24 points, 9 rebounds at 7 assists.

Sa New Orleans, tumipa si Zion Williamson ng 26 points sa 115-110 paggiba ng Pelicans (6-6) sa nagdedepensang Denver Nuggets (9-3).

Sa Portland, dinuplika ni LeBron James ang kanyang season-high 35 points para igiya ang LA Lakers (7-6) sa 107-95 panalo sa Trail Blazers (3-9).

Show comments