Gilas pa-China ngayon

MANILA, Philippines — Lalong paiigtingin ng Gilas Pilipinas ang preparasyon nito para sa 2023 FIBA World Cup sa pag­lipad nito sa China nga­yong araw para sa bigating pocket tournament kontra sa mga kapwa World Cup teams.

Sasabak ang Gilas kon­tra sa Iran, Senegal at Lebanon sa Chinese tournament simula bukas hanggang Linggo para sa maitutu­ring na isa sa kanilang final build-up walang isang buwan na lang bago ang World Cup sa Agosto 25.

Sa China na rin inaasahang makakasama ng Gilas ang NBA ace na si Jordan Clarkson ng Utah Jazz bagama’t hindi na makakaabot sa kanilang mga laro.

Tinitingnan pa ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) kung may makakatune-up silang ibang World Cup team sa China pagkatapos ng pocket tournament.

Pagkatapos nito ay uuwi na sa bansa ang Gilas upang puliduhin ang paghahanda kontra sa mga koponang maagang dara­ting para sa group phase ng World Cup sa Smart Araneta Coliseum at Mall of Asia Arena.

Isa na rito ang Mexico na makakalaban ng Gilas sa Agosto 21.

Nasa Group D ang Mexico na sa MOA naka-desitino kasama ang Egypt, Motenegro at Lithuania.

Nasa Group A sa Phi­lippine Arena sa Bocaue, Bulacan at Big Dome naman ang Pilipinas kasama ang Dominican Republic, Angola at Italy.

Samantala, habang isinusulat ang balitang ito ay nagkakakaroon pa ng huling ensayo ang Gilas sa Meralco Gym sa Ortigas, Pasig, kasama si Kai Sotto na doon na rin malalaman kung makakasama sa China dahil sa iniindang back injury.

Hindi na makakasama ng Gilas sa China ang naturalized players na sina Justin Brownlee, na sa Asian Games maglalaro, at Ange Kouame na sa Jones Cup naman kasama ang Rain or Shine team.

Show comments