Pinay Youth team dinurog ang Maldives

Umeskapo si Ava Fajardo ng Gilas Pilipinas Girls sa kanyang Maldives defender sa 2023 FIBA U16 Women’s Asian Championship.

MANILA, Philippines — Dumiretso sa ikalawang sunod na ratsada ang Gilas Pilipinas Girls matapos ilampaso ang Maldi­ves, 144-22, sa  2023 FI­BA U16 Women’s Asian Championship sa Amman, Jordan.

Lahat ng mga Pinay dribblers ay nakaiskor kasama ang 10 players na tumipa ng double fi­gures para sa 2-0 record sa Group A.

Nagmula ang tropa ni coach Pat Aquino sa 79-40 paggupo sa Hong Kong para palakasin ang tsansang ma-promote sa Division A ng FIBA U16 Women.

Humataw si Sophia Canindo ng 21 markers, 4 rebounds, 6 assists at 12 steals para sa Gilas Girls habang may tig-16 mar­kers sina Navaeh Smith at Christina Lapasaran

Humakot naman si Ariel Star De La O ng double-double na 10 mar­kers at 12 boards.

Tatapusin ng Gilas Girls ang group play laban sa Jordan ngayon para sa tsansa sa knockout crossover semifinals.

Ang depensa ng mga Pinay ang pumuwersa sa 73 turnovers ng Maldives na nagresulta sa 103 points ng Nationals.

Nagdagdag din ang mga reserves ng 92 points mula sa bench. 

Binuksan ng Gilas Girls ang laro sa pamamagitan ng 19-0 atake patungo sa pagtatala ng 41-5 kalamangan sa pagtatapos ng first period patungo sa pagpoposte ng 125-point lead sa fourth quarter.

Kumolekta rin ang Nationals ng 47 steals kasama ang 12 ni Canindo laban sa Maldives. 

Show comments