Blu Girls walang pahinga
MANILA, Philippines — Tuluy-tuloy ang preparasyon ng Philippine Blu Girls para sa mga lalahukang prestihiyosong torneo ngayong taon.
Ang mga ito ay ang Softball World Cup (fast pitch) sa Italy sa susunod na buwan, ang 19th Asian Games sa Hangzhou, China sa Setyembre at ang Co-ed Slow Pitch Softball World Cup sa Mexico sa Disyembre.
“Maganda naman ang preparations, thanks to our supporters,” wika ni national coach Ana Santiago kahapon sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum na idinaos sa Rizal Memorial Sports Complex.
Umabante ang Blu Girls sa Co-ed Slow Pitch World Cup matapos pumangalawa sa Chinese-Taipei sa nakaraang Asia Cup sa Pattaya, Thailand kung saan nila nakalaban ang China, Thailand at Singapore.
Sa ilalim ng co-ed setup, pinapayagan ang mga koponan na magpasok ng mga male at female players sa laro.
Sa normal na laban ay pinaglalaro ang mga male pitchers, ngunit dapat ay may mga female catchers.
“It’s newly organized that’s why our players in the co-ed slow pitch are the same players in our fast pitch squad,” ani Santiago sa public forum na itinataguyod ng San Miguel Corporation, MILO, Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee at Philippine PAGCOR.
- Latest