Jokic ipinoste ang ika-19 triple-double

Hawak ni LeBron James ng Lakers ang bola sa kaliwang kamay at naka-No. 1 sign sa kanang kamay bilang bagong NBA career scoring leader.

MANILA, Philippines — Sa gabing hinirang si LeBron James ng Los Angeles Lakers bilang bagong NBA career sco­ring leader ay inilista ni Nikola Jokic ang kanyang ika-19 triple-double sa season para sa 146-112 pagmasaker ng Nuggets sa Minnesota Timberwolves.

Itinala ni Jokic ang 20 points, 16 assists at 12 rebounds sa halftime pa lamang at tuluyan nang ipinahinga sa dulo ng third quarter kung saan malaki na ang kalamangan ng Western Conference lea­der na Denver (38-17) sa Minnesota (29-28).

Kumamada si  Michael Porter Jr. ng 30 points at may 24 markers si Aaron Gordon sa Nuggets na may 49-19 abante sa first quarter tampok ang isang 32-2 atake.

Tumipa sina Anthony Edwards at Luka Garza ng tig-19 points para sa Timberwolves.

Sa Los Angeles, hinirang si James ng Lakers bilang bagong NBA career scoring leader matapos ungusan ang record ni NBA great Kareem Abdul-Jabbar.

Humataw si James ng 38 points sa 130-133 pagkatalo ng Lakers (25-30) sa Oklahoma City Thunder (26-28).

“I just want to say thank you to the Laker faithful,” wika ni James. “You guys are one of a kind. To be able to be in the presence of such a legend as great as Kareem, it’s very humbling.”

May 38,390 points ngayon ang 38-anyos na si James kasunod ang 38,387 ng 75-anyos na si Abdul-Jabbar.

Sa Orlando, nagsalpak si Jalen Brunson ng 25 points sa 102-98 paglusot ng New York Knicks (30-26) sa Magic (22-23).

Sa Memphis, umiskor si Ja Morant ng 34 points para sa 104-89 panalo ng Grizzlies (33-21) Chicago Bulls (26-28). 

Show comments