Blackwater lusot sa San Miguel

Inunahan ni Blackwater point guard Baser Amer si Simon Enciso ng San Miguel para sa kanyang jump shot.
Russell Palma

MANILA, Philippines — Bumalikwas ang Blackwater mula sa 15-point deficit para ta­ka­san ang San Miguel, 109-106, sa 2022 PBA Commissioner’s Cup ka­ha­pon sa Smart Araneta Co­liseum.

Isinalpak ni Baser Amer ang krusyal na three-point shot sa huling 32 segundo, habang ang layup ni Mike Ayonayon ang sumelyo sa ikalawang panalo ng Bossing sa apat na laro.

Kabiguan kaagad ang sumalubong sa unang la­ro ng Beermen na ipinarada ang bagong import na si Diamond Stone ka­palit ni NBA veteran Tho­mas Robinson.

“Sabi ko nga sa huddle, this is the best time to beat San Miguel because they are still struggling, ba­go ang import,” wika ni Blackwater coach Ariel Vanguardia.

Nagmula ang Bos­sing sa 102-105 kabiguan sa NLEX Road Warriors kung saan nila sinayang ang hawak na 16-point lead.

“It’s the best time to bounce back because we got embarrassed the last game,” dagdag pa ni Vanguardia.

Kumolekta si import Cameron Krutwig ng triple-double na 20 points, 18 rebounds at 10 assists para sa Blackwater.

Humakot si six-time PBA MVP June Mar Fa­jardo ng 23 points, ha­bang may 20 markers si Stone mula sa malam­yang 7-of-23 field goal shooting.

Bumangon ang Bos­sing mula sa 64-79 pagka­kabaon sa third period bago agawin ang 107-106 abante sa huling 32 segundo galing sa triple ni Amer.

Sa posesyon ng Beermen ay naagaw ni Ayon­ayon ang pasa ni CJ Perez para kay Stone para sa final score.

Tumapos si Amer na may 16 points, habang may 10 markers si Ayon­ayon mula sa bench.

Nagdagdag si Troy Rosario ng 13 points ka­sama ang walo sa final canto para sa Blackwater.

Samantala, isinalpak ni Paul Lee ang dalawang free throws sa huling apat na segundo para tulungan ang Magnolia na maitakas ang 94-92 panalo sa TNT Tropang Giga.

Kumamada si Calvin Abueva ng 25 points, 9 rebounds, 3 assists at 2 steals para sa 3-0 record ng Hotshots at sosyohan ang guest team na Bay Area Dragons sa liderato.

Tumipa si import Ca­meron Oliver ng 43 mar­kers para sa Tropang Gi­ga.

Show comments