Lady Spikers hahanap ng solusyon sa Game 2

MANILA, Philippines — Gumagawa na ng game plan ang De La Salle University upang mapigilan ang matikas na ratsada ng National University sa Game 2 ng UAAP Season 84 wo­men’s volleyball tournament best-of-three championship series bukas sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Malalim ang karanasan ni La Salle head coach Ramil de Jesus na magiging bentahe nito para maka­buo ng pangontra sa matikas na kamada ng Lady Bulldogs.

Nais ng Lady Spikers na makabawi sa 20-25, 12-25, 21-25 kabiguan nito sa kamay ng Lady Bulldogs sa Game 1 ng serye noong Sabado.

At wala sa isip ng La Salle na sumuko kaya’t ina­asahang isang malakas na puwersa ang kanilang pasasabugin para maitulak ang rubber match sa serye.

Sa Game 1, walang player ng La Salle ang nagtala ng double figures.

Top scorer si Leila Cruz na nakagawa lamang ng anim na puntos habang nalimitahan sa tig-lima sina Jolina Dela Cruz, Alleiah Malaluan at Fifi Sharma.

Hirap maka-atake ang La Salle dahil sa solidong net defense ng NU. Tanging 23 attacks lamang ang na-convert ng La Salle sa 81 attempts nito.

Matikas na 11 blocks ang nagawa ng Lady Bulldogs laban sa Lady Spikers.

Nangunguna ang La Salle sa blocking department sa buong season na ito.

Subalit tatlong blocks lamang ang nagawa ng Lady Spikers sa Game 1 — malayo sa produksiyon ng Lady Bulldogs.

Show comments