Rigodon ng mga imports

Ang mga balik-import na sina (mula sa kaliwa) Mike Harris, Ola Ashaolu at KJ McDaniels.

Para sa PBA reinforced conference

MANILA, Philippines — Hindi pa man naitatakda ang 2021 PBA Reinforced Conference ay nagkaroon na ng rigodon ang mga imports  habang tanging si Justin Brownlee ang nanatili sa Barangay Ginebra.

Isusuot ni KJ McDaniels ang uniporme ng NLEX Road Warriors matapos kumam­panya para sa TNT Tropang Giga noong 2019 Governor’s Cup.

Ipaparada naman ng Magnolia si Mike Harris na naglaro para sa Alaska noong 2017-2018 Governor’s Cup habang itatampok ng Phoenix si Paul Harris na dati nang humataw para sa TNT (2011, 2012 at 2014 Go­vernors Cup at sa Ginebra (2016 Governors Cup).

Binigyan ng clearance ng Department of Fo­reign Affairs (DFA) at ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang mga imports para maglaro sa PBA tournament na itatakda sa huling linggo ng buwan.

Inilatag ng PBA ang height limit na 6-foot-6 para sa mga reinforcements na kailangang fully-vaccinated na bago sumabak sa aksyon.

Ang iba pang balik-imports na maglalaro para sa mga bago nilang koponan ay sina Henry Walker (Rain or Shine), Brendan Brown (San Miguel) at Ola Ashaolu (Alaska).

Ang mga bagong mukha naman ay sina McKenzie Moore ng 2021 PBA Philippine Cup champion TNT Tropang Giga at Shabazz Muhammad ng Meralco.

Ang dating Texas-El Paso standout na si Moore ay naging teammate ni super rookie Mikey Williams sa Mighty Sports team na naghari sa Jones Cup sa Taipei noong 2019 kasama nina dating PBA imports Renaldo Balkman, Hamady NDiaye, Zach Graham at Eugene Phelps.

Kasalukuyan namang naglalaro si PBA Best Import Allen Durham sa Ryukyu Golden Kings sa Japan B.League kaya si Muhammad ang kinuha ng Bolts.

Isang dating NBA first-round pick, naglaro ang 28-anyos na si Muhammad para sa Minnesota Timberwolves at Milwaukee Bucks.

 

Show comments