Abueva nangunguna pa rin

Calvin Abueva.

MANILA, Philippines — Pinatatag ni Calvin Abueva ng Magnolia Hotshots ang kapit sa unahan ng Davco-Best Player of the Conference race matapos ang steady performance sa semifinals ng 2021 PBA Philippine Cup.

Matapos manguna pagkatapos ng elimination round at quarterfinals, hindi natinag si “The Beast” sa tuktok sa nakalap na 34.2 statistical points (SPs) sa pagpasok ng Hotshots sa finals matapos ang 4-2 semifinal series win kontra sa Meralco Bolts.

Sa kabuuang 19 laro niya para sa Magnolia nang ma-trade mula sa Phoenix noong offseason ay solidong 15.2 points at 10.0 rebounds ang hinahakot ni Abueva sahog pa ang 2.9 assists, 1.0 steal at 1.0 block.

Pumangalawa kay Abueva si Robert Bolick ng Northport na may 33.7 SPs subalit lumabo ang tsansa nang masibak sa quarterfinals ang koponan kontra sa San Miguel.

Kung magtutuluy-tuloy ay mamumuro si Abueva na masikwat ang kanyang ikalawang BPC trophy matapos magwagi noong 2016 Commissioner’s Cup.

Subalit hindi iyon magiging madali dahil nakabuntot pa sa kanya ang mga kakamping si Ian Sangalang (33.0) at Mikey Williams (32.0) na nasa tersera at ikaapat na puwesto, ayon sa pagkakasunod.

Naglista si Sangalang ng 16.7 markers, 8.8 rebounds at 1.4 assists ave-rage bilang katulong ni Abueva sa frontcourt ng Hotshots, na sasagupain ang TNT sa best-of-7 finals.

Hindi rin nagpapahuli ang pambatong rookie na si Williams sa kanyang averages na 16.2 puntos at 4.4 assists matapos ilaglag ng TNT ang SMB sa Game 7 ng semis.

Kinumpleto naman ni June Mar Fajardo ng Beermen ang top five players sa BPC race sa naitalang 13.5 puntos at 10.8 rebounds tungo sa 31.8 SPs.

Show comments