Choco Mucho, Rebisco magtutuos

MANILA, Philippines — Maghaharap ang Choco Mucho at Rebisco sa first round ng classification phase ng 2021 Asian Women’s Club Volleyball Championship ngayon sa Terminal 21 Hall sa Nakhon Ratchasima, Thailand.

Magtatagpo ang dalawang tropa ng national team sa alas-12:30 ng hapon (1:30 ng hapon sa Maynila) kung saan ang matatalo ay awtomatikong magtatapos sa ikapitong puwesto.

Ang mananalo naman ay uusad sa second round ng classification laban sa nag-aabang na Zhetysu-Kazakhstan pa sa battle-for-fifth place match na lalaruin bukas (Oktubre 7).

Nahulog sa classification round ang Choco Mucho at Rebisco matapos mabigong manaig sa kanya-kanyang quarterfinal games.

Natalo ang Choco Mucho sa Supreme Chonburi -Thailand sa iskor na 13-25, 22-25, 21-25 habang yumuko naman ang Rebisco sa Nakhon Ratchasima-Thailand, 11-25, 19-25 18-25.

Wala pang panalo ang Choco Mucho at Rebisco ngunit malaking tulong ang experience nila sa torneong ito para magpapataas ng kalidad ng kanilang laro lalo na ang mga bagitong players.

Show comments