Gilas Women’s hangad bumawi vs Aussies

MANILA, Philippines — Determinadong bumawi ang Gilas Pilipinas women’s sa masaklap na pagkatalo sa China sa pagharap sa po-werhouse na Australia sa pagpapatuloy ng 2021 FIBA Women’s Asia Cup sa Prince Hamza Hall sa Amman, Jordan.

Mula sa 91-puntos na kabiguan sa kamay ng mga higanteng Chinese, tangka ng mga Pinay cagers na makaiskor sa Australia sa duwelong nakatakda sa alas-12 ng madaling araw (Manila time).

Hindi magiging madali ang naturang misyon lalo na’t isa ring Olympic team  ang Australia na dinaig ang Chinese Taipei, 76-65, sa unang laban nito sa Group B.

Pangungunahan ang Australia ni Sami Whitcomb ng New York Liberty sa WNBA na nagtala ng 13 puntos at 11 assists kontra Chinese Taipei.

Subalit hindi basta-basta titiklop ang Nationals kahit underdog at undersized sa pangunguna ni Afril Bernardino na naka-iskor ng double digits na 17-puntos para sa Gilas sahog pa ang pitong rebounds, dalawang assists, dalawang steals at dalawang blocks sa pambihirang 143-52 pagkatalo kontra sa China.

Inaasahan ding babawi sina Janine Pontejos at Clare Castro matapos ma-foul out  gayundin si US NCAA standout Ella Fajardo na nagkasya lang sa 6-puntos.

Magsosyo sa ngayon ang China, pumanglima sa Tokyo Olympics, at Australia sa tuktok ng Group B hawak ang parehong 1-0 kartada. Sa Group A naman ay wagi ang Japan sa India, 136-46, gayundin ang South Korea sa New Zealand, 85-69 para sa joint lead.

 

Show comments