Tuloy ang ensayo ni Kalei Mau sa Hawaii

MANILA, Philippines — Hindi humihinto si Filipino-American outside hitter Kalei Mau sa ensayo upang mapanatiling mataas ang kundisyon ng pangangatawan nito.

Sumasailalim si Mau sa ilang volleyball drills sa isang gym sa Hawaii kung saan katuwang pa nito ang kanyang mga batang pamangkin sa training.

“Just finished the fire volley session. My niece and newphew the best shaggers in the game. All at my fave place to get better @volleyhawaii,” anang 6-foot-2 wing spiker.

Ginawa nitong taga-serve ang kanyang pamangkin na lalaki habang nasa kabilang court naman si Mau upang ma-ging receiver.

Tagapulot naman ng bola ang isa pa nitong pamangkin na babae.

Kasama si Mau sa lineup ng national team na sasabak sa AVC Asian Senior Club Championship na papalo sa Oktubre 1-7 sa Nakhon Ratchasima, Thailand.

Pasok si Mau sa Team B kasama sina Iris Tolenada, MJ Phillips, Tin Tiamzon, Kat Tolentino, Mylene Paat, Kianna Dy, Ria Meneses, Majoy Baron, Dell Palomata, Deanna Wong at Dawn Macandili.

Nasa Team A naman sina Aby Maraño, Eya Laure, Jema Galanza, Faith Nisperos, Dindin Santiago-Manabat, Mhicaela Belen, Imee Hernandez, Ivy Lacsina, Rhea Dimaculangan, Kamille Cal, Jennifer Nierva at Bernadette Pepito.

Wala pang linaw kung kailan darating ng Pinas si Mau.

Show comments