Phoenix, Siklab may pa-bonus sa mga Olympic medalists

MANILA, Philippines — Magkakasunod na natanggap nina Tokyo Olympics medalists Hidilyn Diaz, Nesthy Petecio, Carlo Paalam at Eumir Felix Marcial ang kanilang mga cash incentives mula sa pribadong sektor.

Insentibong P5 milyon at libreng gasolina habambuhay ang ibinigay kahapon kay Diaz ng Phoenix Petroleum at Siklab Atleta Foundation bilang kauna-unahang Olympic gold medalist ng Pilipinas.

Bonus na tig-P3 milyon naman ang nakuha nina Petecio at Paalam para sa kanilang pagsuntok ng silver medal sa women’s featherweight at men’s flyweight division, ayon sa pagkakasunod.

Si Marcial ay binigyan ng P1 milyon dahil sa kanyang bronze medal sa men’s middleweight category.

Ang Siklab Atleta ay isang sports foundation na itinatag ni Phoenix chief Dennis Uy noong 2018 para makatulong sa bansa sa pangarap na Olympic gold.

Nauna nang natanggap nina Diaz, Petecio, Paalam at Marcial ang kanilang mga cash incentives, certificate ng housing unit at medalya mula kay Pangulong Rodrigo Duterte sa Malacañang.

Tumanggap si Diaz ng kabuuang P18 milyon base sa Republic Act 10699 kasama ang P3 milyong bonus ni Presidente kay Diaz, habang may tig-P7 milyon sina Petecio at Paalam at P3 milyon kay Marcial.

Magbibigay si Diaz ng P1 milyong halaga ng weightlifting equipment sa Philippine Sports Commission (PSC) at Samahang Weightlifting ng Pilipinas (SWP).

Nakuha na rin nina Diaz, Petecio, Paalam at Marcial ang kanilang mga bonus mula kina Manny V. Pangilinan ng MVP Sports Foundation at Ramon S. Ang ng San Miguel Corporation.

Show comments