MANILA, Philippines — Tuloy ang mainit na ratsada ng E-Gilas Pilipinas nang patalsikin nito ang Mongolia upang sumulong sa finals ng FIBA Esports Open III Southeast Asian Conference.
Isang matamis na 2-0 sweep ang nasikwat ng Pinoy gamers sa best-of-three semifinals series upang makahirit ng puwesto sa gold-medal match.
Nairehistro ng Pilipinas 95-35 demolisyon sa Mongolia sa Game 1 bago makuha ang gitgitang 64-58 panalo sa Game 2 ng serye.
Sasagupain ng Pilipinas sa best-of-three finals ang magwawagi sa pagitan ng Vietnam at Indonesia na naglalaro sa hiwalay na semis match habang sinusulat ang balitang ito. Ang finals ay alas-5:30 ng hapon ngayon (Manila time).
Matikas na sinimulan Pinoy squad ang kanilang kampanya nang igupo ang Vietnam, 78-40 kasunod ang 124-30 paglampaso sa Maldives sa preliminaries.
Pinakamainit sa dalawang laro si Aljon ‘Shintarou’ Cruzin na nagpasabog ng 54 kabuuang puntos mula sa impresibong 20-of-22 shooting clip tampok ang matikas na 13 three-pointers. Nakalikom pa ito ng 14 assists at limang steals.
Nag-ambag naman si Custer Galas ng 24 puntos, walong assists, tatlong rebounds at tatlong steals habang may double-double na 13 points at 17 boards si Philippe Izzo Alcaraz.
Nakapasok ang Mongolia sa semis tangan ang 1-1 baraha sa Group 2 kung saan natalo ito sa Indonesia (44-56) ngunit nakabalik sa porma nang payukuin nito ang Sri Lanka, 104-45.