Lakers durog sa Clippers

LOS ANGELES — Kumolekta si Kawhi Leonard ng 19 points, 10 rebounds at 8 assists para pangunahan ang 104-86 dominasyon ng Clippers sa nagdedepensang Lakers at tapusin ang kanilang two-game losing skid.

Nagdagdag si power forward Marcus Morris ng 22 points habang may 16 markers si Paul George para sa Clippers (33-18).

Muling naglaro ang Lakers (31-19) na wala sina injured All-Star duo LeBron James at Anthony Davis pati na sina Andre Drummond at Wesley Matthews.

Sa Denver, nagrehistro si center Nikola Jokic ng 17 points, 16 assists at 9 boards sa 119-109 pagdaig ng Nuggets (31-18) sa Orlando Magic (17-33).

Sa Boston, umiskor si Jayson Tatum ng 22 points para tulungan ang Celtics (25-25) na kunin ang 116-86 tagumpay sa Charlotte Hornets (25-24).

Sa Philadelphia, humugot si Grayson Allen ng 11 sa kanyang 15 points sa third quarter para pamunuan ang 116-100 paggupo ng Memphis Grizzlies (24-23) sa 76ers (34-16) na ipinahinga si Joel Embiid.

Sa Chicago, naglista si Nikola Vucevic ng 22 points at 13 rebounds at may 25 markers si Zach LaVine sa 115-107 pagsuwag ng Bulls (20-28) sa Brooklyn Nets (34-16).

Sa Atlanta, humakot si Clint Capela ng 24 points at 18 rebounds habang may 25 markers si Danilo Gallinari sa 117-111 pagdagit ng Hawks (26-24) sa Golden State Warriors (23-27).

Sa Houston, tumipa si Lonzo Ball ng 27 points at career-high na walong 3-pointers sa 122-115 pagpapabagsak ng New Orleans Pelicans (22-27) sa Rockets (13-36).

 

Show comments