PhilCycling national championships inurong

MANILA, Philippines — Dahil sa pagtaas ng mga kaso ng nagpopositibo sa coronavirus disease (COVID-19) ay nagdesisyon ang PhilCycling na ipagpaliban ang kanilang national championships para sa road, mountain bike (MTB) at BMX sa Mayo.

Sinabi kahapon ni PhilCycling president Rep. Abraham “Bambol” Tolentino, pangulo rin ng Philippine Olympic Committee (POC), na muli nilang itatakda ang nasabing event sa Hunyo dahil mas pinahalagahan  niya  ang kaligtasan ng lahat laban sa COVID-19. “The priority is always the health and safety of everyone- cyclists, officials and fans,” aniya. “No questions asked. We’ll just have to wait until the pandemic is contained.”

Nitong mga nakaraang araw ay umabot na sa 5,000 ang nagpopositibo sa COVID-19 na nagpahinto rin sa iba pang sports events sa bansa sapul noong 2020.

Pakakawalan sana ng PhilCycling ang road championships sa isang ‘bubble environment’ sa Subic Bay Freeport sa May 5-8. Ang MTB at BMX national championships ay idaraos naman sa Tagaytay City.

Nauna nang nagbigay ang PhilCycling ng letter of intent sa Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) para sa pagdaraos ng national championships para sa road, mountain bike (MTB) at BMX.

Ang national championships ay bahagi ng kriterya sa pagpili ng mga national team members na isasabak sa 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam sa Nobyembre 21 hanggang Disyembre 2.

Show comments