PVL teams makakapag-ensayo na

MANILA, Philippines — Makapagsisimula na sa ensayo ang anim na teams ng Premier Volleyball League (PVL) matapos makakuha ng go signal mula sa local government units (LGUs) na nakasasakop sa kanilang gagamiting training venues.

Nauna nang binigyan ng clearance ng Games and Amusements Board (GAB) ang mga training facilities matapos ang isinagawang ocular inspection nito noong Pebrero at agad namang tumugon ang mga LGUs sa kahilingan ng mga teams partikular na ang San Juan City at Mandaluyong City.

Nasa San Juan City ang The Arena at Greenhills West habang sa Mandaluyong City naman ang Ronac Gym sa Shaw Boulevard. Gagamitin ng PetroGazz Angels ang The Arena habang sa Greenhills West magsasanay ang Peak Form at BaliPure.

Magiging training venue naman ng reigning Open Conference champions Creamline Cool Smashers ang Ronac Gym kasama ang Choco Mucho at Perlas Spikers.

Naghihintay pa ng go-signal ang training venues ng Cignal HD Spikers at PLDT Home Fibr na parehong nasa ilalim ng Manila City Hall.

Plano ng PLDT na magsanay sa San Sebastian College-Recoletos sa Recto habang sa Paco Arena naman ang venue ng Cignal.

By schedule ang magiging ensayo ng bawat koponan kung saan ipatutupad ang mahigipit na health protocols para masigurong ligtas ang lahat ng papasok sa venue kung saan apat hanggang limang players lang ang papayagang makapasok.

Kailangang magdala ng sari-sariling tubig ang bawat player. Bawal gamitin ang shower area kaya’t matapos ang training, agad na lalabas ang lahat para bigyang-daan ang sanitation para sa susunod na batch ng players.

Target ng PVL na masimulan ang Open Conference sa Mayo 8.

Show comments