Doncic, Porzingis bumida sa panalo ng Mavericks
SAN ANTONIO – Ninerbiyos nang husto ang Dallas Mavericks nang mawala ang kanilang laro sa pagbubukas ng fourth quarter.
Ngunit ang opensa nina guard Luka Doncic at forward Kristaps Porzingis ang nagbalik sa kanilang porma.
Kumolekta si Doncic ng 26 points, 14 assists at 10 rebounds at nagtala si Porzingis ng 28 points at 12 rebounds para akayin ang Mavericks sa 109-103 paggiba sa Spurs.
Itinala ni Doncic ang kanyang ika-13 triple-double ngayong season at pang-21 sa career para pantayan si Jason Kidd sa Dallas franchise record.
“It’s tough to play here,” sabi ni Doncic, ipagdiriwang ang kanyang ika-21 kaarawan sa Biyernes. “You can see we’re learning. It’s not always going to be perfect, but we’re learning.”
Binanderahan naman ni DeMar DeRozan ang San Antonio mula sa kanyang 27 points, 9 assists at 8 rebounds.
Sa Houston, nagsalpak sina Russell Westbrook at James Harden ng pinagsamang 63 points para ihatid ang Rockets sa 140-112 pagdaig sa Memphis Grizzlies.
Ito ang pang-limang sunod na arangkada ng Houston.
Sa Salt Lake City, humataw si Jayson Tatum ng 33 points at 11 rebounds sa 114-103 pagpapatumba ng Boston Celtics sa Utah Jazz.
Pinamunuan ni Donovan Mitchell ang Utah sa kanyang 37 points at may 15 at 14 markers sina Mike Conley at Royce O’ Neale, ayon sa pagkakasunod.
Sa Phoenix, nagposte si Kawhi Leonard ng 24 points at 14 rebounds at may 18 markers si Marcus Morris para sa 102-92 paggupo ng Los Angeles Clippers sa Suns.
Nagdagdag si Reggie Jackson ng 12 points.
- Latest