Yulo nagkasya sa 3-silver

Yulo

MANILA, Philippines — Tatlo pang pilak na medalya ang naibulsa ni world champion Carlos Edriel Yulo sa huling araw ng 2019 Southeast Asian Games men’s artistic gymnastics kahapon sa Rizal Memorial Coliseum.

Nakuha ni Yulo ang pilak sa vault nang magsumite ito ng 14.700 puntos sa likod ni gold winner Prayoko Agus ng Indonesia na nagtala ng 14.734 puntos.

Nasa tersera lamang si Vietnamese Thanh Tung Le na umiskor ng 14.617 puntos.

Pilak din ang nakuha ni Yulo sa parallel bars nang makakuha ito ng 14.600 puntos laban sa 14.800 puntos na itinala ni reigning champion Dinh Phuong Thanh ng Vietnam na siyang nakakuha ng ginto.

Nasa ikatlo ulit si Thanh Tung Le na may 14.233 puntos.

Sa horizontal bars, sumegunda rin si Yulo bunsod ng 13.667 puntos nito.

Muling nangibabaw si Dinh Puong Thanh na may 13.767 puntos habang pumangatlo si Xong Sean Yeo ng Singapore na may 13.567.

Sa kabuuan, nakalikom si Yulo ng dalawang ginto at limang pilak na medalya.

Nauna nang nakaginto si Yulo sa individual all-around at floor exercise habang nakapilak din ito sa pommel horse at still rings.

Matapos ang SEA Games, babalik si Yulo sa Tokyo, Japan para ipagpatuloy ang kaniyang paghahanda para sa 2020 Tokyo Olympics.

Show comments