Pacquiao inimbitahan ng FIFA chief na maglaro sa exhibition game

MANILA, Philippines — Bukod sa boxing at basketball ay posible ring mapanood si Manny Pacquiao sa football.

Binisita ni Football Federation (FIFA) president Gianni Infantino at ng kanyang official delegation si Pacquiao sa kanyang tahanan sa Makati City noong Linggo ng gabi.

Inimbitahan ng 49-anyos na si Infantino ang 40-anyos na si Pacquiao na maglaro sa isang exhibition football game tampok ang mga football legends.

Hindi naman nagdalawang-isip ang World Boxing Association super welterweight champion sa imbitas­yon ng FIFA chief.

“If it is going to be for a good cause, then why not (play),” wika ng Senador.

Ang FIFA na pinamamahalaan ni Infantino, muling nailuklok ngayong taon, ay binubuo ng 211 nasyon.

Tinalakay nina Pacquiao, ang tanging eight-weight division boxing legend, at Infantino ang mga sports-related projects na lalo pang mag-aangat sa estado ng football sa Pilipinas at sa buong mundo.

“This is one sport where the Filipino can excel and be also good at,” sabi ni Pacquiao.

Nakasama ni Infantino sa pagbisita kay Pacquiao si­na Philippine Football Federation head Mariano Ara­neta at legendary French striker Youri Djorkaeff, ang CEO ng FIFA Foundation, at Monico Puentevella.

Show comments