Pampanga wagi sa Bacoor

Bacolod City, Philippines – Pinatahimik ng Pampanga Giant Lanterns ang Bacoor Strikers sa huling apat na minuto para angkinin ang 76-69 panalo sa Maharlika Pilipinas Basketball League Lakan Season dito sa St. La Salle Coliseum noong Huwebes ng gabi.

Tinapos ng Giant Lanterns ang two-game slide para itaas sa 11-7 ang kanilang kartada sa North division ng 31-team field.

Matapos makatabla ang Bacoor sa 69-69, isang 7-0 atake naman ang ginawa ng Pampanga para kunin ang nasabing panalo.

Nagwakas ang sinasakyang seven-game winning run ng Strikers para sa kanilang 15-4 record sa South division.

Tumipa si guard Mark Cruz ng 16 points, 5 assists at 5 rebounds para banderahan ang Giant Lanterns, nakahugot din kay Michael Juico ng 16 points bukod pa sa 7 rebounds.

Nagtala naman si John Dexter Maiquez ng 12 points at 10 rebounds para sa 51-36 kalamangan ng Pampanga sa rebounding.

Umiskor si Michael Canete ng 14 points sa panig ng Strikers kasunod ang 12 markers ni RJ Ramirez, habang nalimitahan si MPBL Datu Cup VP Gab Banal sa 3 points.

Samantala, pinapak ng Cebu City Sharks ang Bacolod Master’s Sardines, 85-80 para sa kanilang pang-pitong panalo sa 17 laro.

Nalasap ng Bacolodnons ang kanilang ikatlong dikit na pagkatalo para mahulog sa 6-11 marka.

 

Show comments