Win No. 5 puntirya ng Cignal

Sina Desiree Wynea Cheng at Dawn Nicole Macandili ng F2 Logistics.
Joey Mendoza

MANILA, Philippines — Ikalimang sunod na tagumpay ang puntirya ng Cignal HD Spikers sa pagharap sa PLDT Home Fibr Power Hitters para mapalakas ang hawak sa top spot ng Pool C sa group staging ng 2019 Philippine Superliga (PSL) Invitationals ngayon na dadayo sa Malolos Sports and Convention Center.

Magtutuos ang dalawa sa unang laro ng triple-header match ngayon bandang alas-2 ng hapon na susundan ng bakbakang Foton at Sta. Lucia sa alas-4 bago ang labanang Petron at Marinerang Pilipina sa alas-6 ng gabi.

Nadagit ng All-Filipino Conference silver medalist ang ikaapat na sunod na panalo nang padapain nila ang Marinerang Pilipina Lady Skippers, 25-14, 25-14, 22-25, 25-19 noong Martes sa Strike Gymnasium sa Bacoor na nagluklok sa kanila sa top spot ng Pool C.

Kinakailangang ma-patatag ng HD Spikers ang kanilang posisyon sa standings kung saan ang top 2 ng bawat grupo pagkatapos ng group eliminations ang papasok sa knockout semifinals.

Sasandal uli ang Cignal kina Rachel Ann Daquis, Jovelyn Gonzaga, Mylene Paat, Alohi-Robins-Hardy, Roselyn Doria, Ranya Musa at Jheck Dionela.

Samantala, target naman ng Power Hitters na madagdagan pa ang kanilang panalo sa simula ng kanilang kampanya sa second round ng torneo.

Isang panalo lang ang nadagit ng mga bata nina coach Roger Gorayeb sa first round nang padapain nila ang Sta. Lucia Lady Realtors, 25-19, 25-19, 25-13 noong Setyembre 28.

Ipaparada uli ng Power Hitters si dating San Sebastian standout Gretchel Soltones katuwang sina Jerrilli Malabanan, Jasmine Nabor, Shola Alvarez, Gen Casugod, Czarina Carandang at Lizlee Ann Pantone.  

Show comments