James Yap dumagdag sa injured list ng ROS

James Yap

MANILA, Philippines — Nadagdagan ang problema ng Rain or Shine dahil hindi muna nila makakasama ang star gunner na si James Yap sa pagpapatuloy ng 2019 PBA Go-vernors’ Cup.

Mawawala si Yap ng hanggang dalawang linggo, ayon kay head coach Caloy Garcia, matapos madale uli ng dating groin injury.

Natamo ng beteranong si Yap ang naturang injury sa second quarter ng laban ng Elasto Painters kontra sa Magnolia matapos makabangga si import Romeo Travis.

Hindi na nakabalik si Yap sa laro tungo sa paglasap ng ROS na mapait na 68-69 kabiguan sa kamay ng defending champions na Hotshots.

Ito ang parehong injury na nakuha ni Yap noong Commissioner’s Cup na nagpigil sa kanya upang makalaro sa buong playoffs.

Hawak ngayon ang 1-3 kartada bunsod ng dalawang sunod na pagkatalo, malaking dagok ang pagkawala ni Yap sa ROS rotation.

Inaasahang hindi makakasama ng Elasto Painters ang dating MVP sa tatlong sunod na krus-yal na laro nito kontra sa Phoenix, Alaska at Blackwater.

Show comments