Pacquiao hindi hihinto sa pag-aaral; nag-enrol sa University of Makati

MANILA, Philippines — Bagama’t isa nang ba­tikang mambabatas ay inamin ni Sen. Manny Pacquiao na hindi na­tatapos ang kanyang pag-aaral.

Sa kanyang Twitter account noong Biyernes ay ibinahagi ng 40-an­yos na si Pacquiao ang larawan ng kanyang ID.

Nag-enrol si Pacquiao sa University of Ma­­kati para sa kursong Po­litical Science at Local Government Admi­nis­tration.

Walang dudang gus­to ng Filipino world eight-division champion na lalo pang matuto sa kan­yang trabaho bilang Se­nador.

Nagbigay naman ng ka­nilang mga papuri sa social media ang mga fans ni Pacquiao.

Sa kanyang pagiging Kongresista ng Sarangani ay nag-enrol si Pacquiao sa Certificate Course in Development, Legislation and Governance sa Deve­lop­ment Academy of the Phi­lippines-Graduate School of Public and De­ve­­lopment Management (DAP-GSPDM).

Nagtapos si Pacquiao ng elementary sa Saavedra Saway Elementary School sa General Santos City, ngunit hindi na naipagpatuloy ang high school dahil sa kanilang ka­hirapan.

Nakapasa siya sa isang high school equivalency exam noong Pebrero ng 2007 para makapasok sa ko­lehiyo.

Binigyan si Pacquiao ng high school diploma ng Department of Education at kumuha ng college degree sa Business Ma­nagement sa Notre Dame of Dadiangas University (NDDU) sa General Santos City.

Nagmula si Pacquiao sa panalo laban kay Ame­rican Keith Thurman no­ong Hulyo para ma­a­gaw ang World Boxing As­sociation  welterweight crown ng huli.

 

Show comments