Cignal giniba ang Sta. Lucia

Ang mainit na aksyon sa pagitan ng Cignal at Sta. Lucia.
PM photo ni Ernie Peñaredondo

MANILA, Philippines — Balik sa winning co­lumn ang Cignal HD matapos walisin ang Sta. Lucia, 25-8, 25-16, 25-22, sa second round ng 2019 Philippine Superliga (PSL) All-Filipino Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Naipagpag kaagad ng HD Spikers ang ka­nilang five-set loss kontra sa Petron, 25-17, 25-21, 11-25, 17-25, 10-25, noong Martes para manduhan nang husto ang buong laro laban sa Lady Realtors.

Bumandera para sa Cignal si Mylene Paat na humambalos ng 12 points sa likod ng 9 attacks at 3 blocks at si Alohi Robins-Hardy na may 10 markers.

“Well, good job doon sa mga players ko. Iyon ang gusto kong makita, maliban kina Rachel (Da­quis) at Jovelyn (Gon­zaga). Gusto kong mag-step-up ‘yung mga second stringers ko. Masaya naman ako sa mga ginamit ko,” wika ni assistant coach Rico de Guzman.

Kapansin-pansin na mas binigyang pagkaka­taon ni De Guzman na makapaglaro ang ilang bench players nila kagaya nina May Luna at Janine Marciano na may siyam at walong puntos ayon sa pagkakasunod, at hindi na pinaglaro si­na Gonzaga at Daquis.

“Sabi ko ‘magtiwala kayo sa sarili n’yo gagamitin ko kayo ngayon, mag-step-up kayo at ga­win ninyo ‘yung best n’yo’. Natutuwa naman ako at ginawa naman ni­la ‘yung best nila,” dagdag ni De Guzman.

Sa unang dalawang sets pa lamang ay uma­lagwa na agad ang HD Spikers at ibinaon nang husto ang Lady Realtors na nagawa nilang limitahan sa pinagsamang 24 points.

Sinubukan namang bumawi ang Lady Realtors sa third set at takutin pa ang HD Spikers na pumuwersa ng isa pang set sa pagposte ng 4-0 run sa likod ng mga atake ni MJ Philips at Joy Dacoron at ace ni Andrea Marzan, 21-24.

Pero hindi na puma­yag si Paat na humabol pa ang Sta. Lucia at ti­na­­pos na ito sa kanyang off the block kill.

Tumapos naman ng anim na puntos sina Da­coron, Phillips at Roselle Baliton para sa pang-siyam na kabiguan ng Lady Realtors. Fergus E. Josue, Jr.

Show comments