MANILA, Philippines — Idinagdag ng Gilas Pilipinas sa pinal at pina-laking training pool ang NBA star mula Cleveland Cavaliers na si Jordan Clarkson para sa nalalapit na 2019 FIBA World Cup ngayong Agosto sa China.
Dahil dito ay lumapad na sa 19-man pool ang Nationals ni head coach Yeng Guiao lagpas isang buwan pa bago ang world basketball championships ayon sa inilabas na final training pool ng Sama-hang Basketbol ng Pilipinas kagabi.
Sinamahan ng Filipino-American na si Clarkson ang iba pang bagong miyembro na sina Stanley Pringle at Christian Standhardinger na back-up naturalized players dahil hindi pa rin nakukunsidera bilang local players.
Nasa listahan din ang mga dati nang Gilas pool members na sina naturalized player Andray Blatche, Gabe Norwood, Marcio Lassiter, Troy Rosario, RR Pogoy, Paul Lee, Mark Barroca, June Mar Fajardo, Japeth Aguilar, Raymond Almazan at JP Erram.
Kasali rin sina Matthew Wright, Beau Belga at Kiefer Ravena gayundin ang dalawang PBA rookies na sina Robert Bolick at CJ Perez.
Sugal ang ginawa ng Gilas na idagdag sa pool si Clarkson sa kabila ng wala pang katiyakan kung mapapayagan siya ng International Basketball Federation (FIBA) bilang lokal na manlalaro.
“Nilagay na namin doon sa pool si Jordan,” ani Guiao. “We’re still hoping that a miracle happens.”
Magugunitang sa mga nakalipas na taon ay puspusan ang hakbang ng SBP upang makunsidera ng FIBA bilang local player si Clarkson subalit hindi pa rin naaaprubahan kaya’t maituturing pa rin na naturalized player sa ngayon.
Ang naturalized player spot ng Gilas ay nakalaan na kay Blatche kaya’t hihiling ang SBP at ang national team na mabasbasan na sa wakas ng FIBA si Clarkson, lagpas isang buwan pa bago ang world basketball meet sa Agosto 31 hanggang Setyembre 15 sa Foshan, China.
Makakalaban ng Gilas sa prestihiyosong quadrennial basketball joust ang world No.2 Serbia, No. 13 Italy at No. 39 na Angola sa Group D.
Sa naturang 19-man pool na ito ni Guiao manggagaling ang final roster ng Gilas na tutungo sa Spain mula Agosto 4 hanggang 11 para sa isang pocket tournament na bahagi ng final build up ng koponan sa World Cup.
Sa Spain ay makakalaban nila ang home team na world No.2 ngayon kasama ang Congo at Cote D’Ivoire.
Pagbalik ng bansa mula sa Spain ay inaasahang tapos na ang Finals ng 2019 PBA Commissioner’s Cup na magbibigay sa Nationals ng pagkakataon na makapagsanay ng araw-araw bago muling sumalang sa scrimmage kontra sa Aussie club na Adelaide 36ers sa Agosto 23 at 25.