Tan at Rodriguez umabante sa Round of 12 ng beach volley

MANILA, Philippines — Rumesbak sina Bea Tan at Dij Rodriguez nang itarak ang matikas na 21-7, 21-15 demolisyon kina Malaysians Tan Hsi Yan at Tasha Mae para umabante sa Round of 12 kahapon sa FIVB Beach Volleyball World Tour Boracay Open sa White House Beach Station 1 sa Boracay Island.

Matapos lumasap ng 21-17, 13-21, 14-16 kabiguan laban kina Singaporeans Eliza Chong at Lau Ee Shan ay ibinuhos nina Tan at Rodriguez ang ka­nilang ngit­ngit para patalsikin sa kontensyon ang Malaysian pair.

Lumasap naman ng unang kabiguan sina Sisi Ron­dina at Bernadeth Pons nang matalo ang Pinay duo kina Japanese tandem Satono Ishitsubo at Asa­mi Shiba, 16-21, 19-21.

Kumuha ng puwersa sina Rondina at Pons sa ma­lakas na sigawan ng Pinoy supporters sa ve­nue para makipagsabayan sa World No. 86 na sina Ishitsubo at Shiba.

Subalit kapos pa rin ang inilabas na lakas nina Ron­dina at Pons para mahulog sa 1-1 marka.

Nauna nang tinalo nina Rondina at Pons sina Shi­nako Tanaka at Miyuki Matsumura ng Japan sa opening day, 21-14, 21-8.

Namaalam na sa kontensyon sina Jackie Estoquia at DM Demontaño makaraang tumupi kina Russians Ekaterina Filina at Ekaterina Zazhigina, 14-21, 21-19, 13-15.

Nakatakda ang mga bakbakan para sa quarterfinals slots kagabi.

Show comments