Texters wagi sa Painters

MANILA, Philippines — Kung mahalaga ang pag-angkin ng Rain or Shine sa isa sa dalawang ‘twice-to-beat’ incentive ay mas importante sa TNT Katropa ang manalo.

Naglista si veteran guard Jayson Castro ng 20 points, 10 assists at 7 rebounds para akayin ang Tropang Texters sa 100-92 paggiba sa Elasto Painters sa 2019 PBA Philippine Cup kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.

“Itong mga ganitong games parang playoffs na para sa amin,” wika ni Castro sa ikalawang sunod na ratsada ng TNT Katropa para sa kanilang 4-3 baraha.

Nadiskaril naman ang pagdakma ng Rain or Shine sa nasabing insentibo at nahinto ang sinasakyang five-game winning streak.

Tumapos din si Troy Rosario na may 10 markers para sa Tropang Texters, nakahugot ng 15 at 10 points kina Jericho Cruz at Ryan Reyes, ayon sa pagkakasunod.

“Sinabi sa amin ni coach (Bong Ravena) na sobrang crucial itong mga games namin. It’s either we make it or not (sa quarterfinals),” dagdag ni Castro.

Ang split ni James Yap ang nagdikit sa Elasto Painters sa 92-98 agwat sa natitirang 24.8 segundo kasunod ang free throw ni Castro at fastbreak layup ni Brian Heruela para selyuhan ang panalo ng Tropang Texters.

Pinamunuan ni Yap ang Rain or Shine sa kanyang 18 points.

 

Show comments