Alab ililista ang ika-15 panalo sa ABL

MANILA, Philippines — Haharapin sa ikaapat at huling pagkakataon ng nagdedepesang San Miguel-Alab Pilipinas ang nangungulelat na Zhuhai Wolf Warriors sa 9th ASEAN Basketball League Sta. Ro­sa Multi-Purpose Sports Com­plex sa Sta. Ro­sa, La­guna.

Tatlong beses pina­da­pa ng Alab Pilipinas ang baguhang koponan mula sa mainland China, ang huli ay 105-79 noong Biyernes sa teritoryo ng Wolf Warriors mismo.

Sa unang pagtatagpo ay nagwagi ang tropa ni head coach Jimmy Ala­pag, 105-95, noong Ene­ro 6 sa Lapu Lapu Ci­ty, Ce­bu at ang ikala­wa ay 100-81 sa Doumen Gymnasium sa Zhu­hai, China.

Kaya hangad din ng Chinese team na maka-isa kontra sa Filipino team na asam din ang pang-15 panalo sa 18 la­ro para sa solidong pag­ha­wak sa top spot.

Mayroon pang mahi­git siyam na laro ang na­titira sa Alab Pilipinas sa elimination round kaya hindi pa sigurado ang muling pagpasok sa Final Four dahil puwede pang makahabol ang For­­­mosa Dreamers (10-5), Singapore Sli­ngers (10-7) at Hong Kong Eas­tern Lions (12-9).

Kahit ang pang-li­mang Saigon Heat (10-8) ay may pag-asa pang humabol sa playoff.

Asam din ng tropa ni Alapag na protektahan ang kanilang malinis na 10-0 record sa home court bukod sa 4-3 road game.

Ang Wolf Warriors ay nanatili sa ilalim ng standings sa 2-16 slate at 0-7 sa road game at 2-9 sa kanilang tahanan.

Samantala, humakot si Puerto Rican giant PJ Ramos ng triple-double sa kanyang 15 points, 14 rebounds at 11 assists para sa ikatlong pa­nalo ng Alab Pilipinas kontra sa Zhuhai Wolf Warriors, 105-79, kama­kalawa at bumangon ka­agad sa pagkatalo nila sa Hong Kong Eastern Lions.

Bukod sa 7-foot-3 na si Ramos ay nag-ambag din ng 19 points, 7 rebounds, 5 assists at 2 steals si import Renaldo Balkman, habang may 15 markers si Bobby Ray Parks, Jr. na may kasamang 3 rebounds.

 

Show comments