Pacquiao may patutunayan

Manny Pacquiao

LAS VEGAS – Ipinagdiwang ni Manny Pacquiao ang kanyang ika-40 kaarawan noong Disyembre 17.

 

Sa kanyang edad ay marami ang nagsasabing dapat nang magretiro ang Filipino world eight-division champion.

Ngunit may gustong patunayan si Pacquiao sa kanyang pagsagupa kay American challenger Ad­rien Broner ngayon dito sa MGM Grand.

“I want to prove that at age forty I can still give my best,” wika ni Pac­quiao, ang nag-iisang boksingero na nagkampeon sa walong magka­ka­ibang weight divisions, ma­tapos ang kanilang official weigh-in kahapon.

Ilang ulit sinabi ni Pac­quiao na ang pagde­depensa sa kanyang suot na WBA welterweight title laban sa 29-anyos na si Broner ay isang mala­king hamon kagaya ng mga nauna niyang mga mabibigat na la­ban.

Ang mga pagkatalo ki­na Timothy Bradley, Jr., Juan Manuel Marquez, Floyd Mayweather, Jr. at Jeff Horn ang nagpaisip sa mga fight fans na mahina na si Pacquiao at kailangan nang magretiro.

Ang ilan sa kanyang mga kritiko ay gusto na siyang mag-focus sa kanyang trabaho sa Senado.

“Boxing is my passion. Being a senator is my mission,” sagot ni Pac­quiao. “That’s why this fight is really im­por­tant to me. This is my first fight at age 40. That’s why it’s very challenging.”

Ito ang unang pagkakataon na muling lalaban si Pacquiao sa United States matapos ang halos dalawang taon maka­ra­ang talunin si Jessie Var­gas.

Ito ang ika-28 laban ni Pacquiao sa US at pang-70 bilang professional fighter (60-7-2).

Target din ni ‘Pacman’ ang kanyang ika-40 knockout win.

 Umiskor si Pacquiao ng seventh-round KO vic­­tory laban kay Lu­cas Matthysse ng Argentina sa Kuala Lumpur noong Hulyo, isang taon matapos siyang agawan ng WBO belt ni Horn.

Ang bagong partnership kay promoter Al Hay­mon, ang founder ng Premier Boxing Champion (PBC) at long-time adviser ni Mayweather, ang nagbalik kay Pacquiao sa US sa kabila ng kanyang tax problems.

Si Pacquiao ay may gua­ranteed purse na $10 mil­yon (halos P520 mil­yon), habang tatanggap naman si Broner ng $2.5 milyon na posibleng nagastos na niya ang kala­hati dahil sa kanyang mga alahas.

Ipinagyabang ni Bro­ner ang mga dia­mond-studded Rolex watches sa magkabila niyang kamay.

Show comments