Esports kasama sa 2019 SEAG

MANILA, Philippines — Sa unang pagkakataon sa ika-30 edisyon ng Southeast Asian Games (SEAG), bago’t modernong isports discipline ang ipapakilala ng host country na Pilipinas na electronic sports para sa nalalapit na 2019 SEAG.

At hindi ito magiging simpleng demonstration sport dahil ituturing na regular medal event ang naturang esports bilang isa sa aprubadong 56 sports ng SEAG Federation Council.

Hakbang ito ng Pilipinas at ng SEAG upang makasabay sa worldwide trend dahil 2.35 bilyon na aktibong online gamers na ang mayroon ngayon sa mundo bukod pa ang inaasahang 276 million na target audience pagdating ng 2022 na malagpasan na ang audience ng ilang sikat na liga tulad ng National Hockey League (NHL) at Major League Baseball (MLB) sa Amerika.

Para kay Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) Chairman Alan Peter Cayetano, paraan din ito ng bansa upang mabigyan ng kaparehong oportunidad ang mga online gamers katulad ng mga normal na atleta.

“The Philippines is the first host country to stage an esports tournament as a medal event. This lends credence to professional gaming as a true world-class sporting contest, as it engages a new generation of gaming fans,” aniya. “Sports is universal. It’s not all about being together physically. This 2019 SEAG will be all about bringing everyone together, the communities and nations in Southeast Asia.”

Magugunitang sa 18th Asian Games sa Jakarta, Indonesia ay ipinakilala na ang Esports bilang demonstration sports bago nga maging regular na sport sa biennial event ng Southeast Asia kung saan 11 bansa ang magtatagisan ng galing sa online gaming.

Katuwang ang opisyal na SEAG esports partner na Razer, anim na online games ang itatampok sa susunod na taon kabilang na ang dalawang personal computer games, dalawang console games at dalawang mobile games.

Hindi pa natutukoy kung ano ang naturang anim na online games na lalaruin subalit inaasahang iaanunsyo ito bago ang deadline sa Disyembre 16.

Para sa panig ng Philippine national team, magdaraos ang Philippine Esports Ad Hoc Committee at Esports National Association of the Philippines ng national qualifiers kung saan kukunin ang national team pool na kakatawan sa bansa.

Siniguro naman ng Razer, lider ng world gaming brand, ang suporta sa pag-o-organisa ng makasaysayang esports event gayundin sa Philippine national gaya ng suporta nila sa 18 na progaming teams mula sa 25 iba’t ibang bansa.

Show comments