Maroons at Bulldogs nagpalakas ng tsansa
MANILA, Philippines — Nagtala ng triple-double si Juan Gomez de Liaño para iangat ang University of the Philippines sa 94-81 panalo kontra sa University of the East sa Season 81 UAAP men’s basketball tournament kahapon sa FilOil Flying V Center sa San Juan City.
Kumolekta si Juan GDL ng 15 points, 12 rebounds at 12 assists para maging ikatlong player na nagposte ng triple-double sa UAAP sa loob ng 15 taon.
Ang iba ay sina LA Tenorio at Marvin Cruz.
Mula sa 63-60 bentahe ay biglang humataw sina Paul Desiderio, Bright Akhuetie at Juan Gomez de Liaño ng 24-11 run para iposte ang 87-71 kalamangan.
Lumobo pa ito sa 91-71 mula sa follow-up ni Akhuetie sa huling 1:36 minuto upang makisosyo sa UST Tigers sa pang-limang puwesto sa parehong 4-5 record.
Ang Red Warriors ay nanatili sa ilalim ng standings na 1-8 card.
Bukod kay Juan GDL, tumulong din ng career-high na 28 points, 13 rebounds, 2 assists at 3 steals si Akhuetie, habang may 16 markers naman si Desiderio.
Sa iba pang laro, umiskor si rookie Dave Ildefonso ng pito sa huling 11 points ng National University Bulldogs upang itakas ang 69-61 panalo kontra sa University of Santo Tomas Growling Tigers at umangat sa 3-6 kartada.
Tumapos ang anak ni dating PBA two-time MVP Danny Ildefonso na may 16 points, 4 rebounds, 3 assists at 1 steal para manatiling buhay ang pag-asang pumasok sa Final Four.
“It’s not me. It’s just 16 players responding right now and the two here are the ones who shone the brightest,” sabi ni head coach Jamike Jarin sa kanyang NU.
- Latest