Pocari winalis ang Iriga

MANILA, Philippines — Patuloy ang pag­lipad ng Pocari-Air Force nang palubugin ang Iriga-Navy, 25-18, 25-18, 25-20, para maikonekta ang kanilang ikalawang sunod na panalo sa Premier Volleyball League Season 2 Open Confe­rence sa Imus Sports Com­plex sa Cavite.

Bumida sa pagkaka­taong ito si outside hitter Mary Ann Pantino na gumawa ng 12 puntos galing sa 10 attacks at dalawang aces para pamunuan ang Lady Warriors na umangat sa 2-1 baraha.

“Ini-improve namin ‘yung mga weaknesses namin tulad ng service tsaka receive namin. So doon talaga kami nag-focus kasi ‘yun talaga ang medyo kahinaan namin sa past few games namin,” ani Pantino.

Hindi pa rin ma­wawala ang solidong kon­tribusyon ni team cap­tain Myla Pablo, ha­bang nagbigay rin ng ma­tatalim na atake sina middle blockers Dell Palomata at Jeanette Pa­naga gayundin si Iari Yongco at Elaine Kasilag.

Minanduhan naman ni seasoned setter Wendy Anne Semana ang pag-orchestra sa opensa ng Lady Warriors para pigilan ang anumang pag­tatangka ng Lady Oragons.

Kagaya ng dati, prob­le­ma ng Lady Ora­gons ang errors na mala­king balakid sa una ni­lang mga laro.

Nakakasabay ang Iriga-Navy dahil nariyan sina Grazielle Bombita na kayang bumomba ng malulupit na attacks.

Subalit hirap ang La­dy Oragons na isara ang laro dahil sa mga un­forced errors tulad ng service error sa third set na siyang nagbigay sa Lady Warriors ng pana­lo.

Magpapatuloy ang aksyon sa The Arena sa San Juan City tampok ang bakbakan ng Tacloban at Adamson University sa alas-4.

Umaasa naman ang Iriga-Navy na makaka­bawi sila sa Petro Gazz sa alas-6 ng gabi.

Show comments