Pangilinan tiwala kay Yeng

Manny Pangilinan

MANILA, Philippines — Buo ang tiwala ni Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) Chairman Emeritus Manny V. Pangilinan na makakarating ang Gilas Pilipinas sa 2019 International Basketball Fede-ration (FIBA) World Cup sa China sa ilalim ng kanyang pinagkakatiwalaang head coach na si Yeng Guiao.

Iyan ang pinahayag ng batikang national team patron na si Pangilinan matapos nga ang makasaysayang 92-81 come-from-behind win ng Gilas kontra sa Qatar sa pagpapatuloy ng 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers kamakalawa ng gabi sa closed-door na Smart-Araneta Coliseum.

“A lot of credit goes to coach Yeng. We’ll get there sa World Cup. I’m confident under coach Yeng,” ani Pangilinan na isa sa 220 na katao lamang na pinayagang manood sa Big Dome.

Napupuno ng lagpas 20, 000 katao tuwing laban ng Gilas pero mga opis-yal, players, coaches, media at TV production crew lamang ang pinayagang makapanood kamakalawa sa naturang closed-door na laban bilang isa nga parusa ng FIBA sa bansa kasunod ng rambol na kinasangkutan kontra sa Australia noong nakaraang Hulyo.

Hindi na ito mahalaga ngayon dahil nalagpasan na ng Gilas ang pagsubok nito upang mapaangat ang kanilang 5-3 kartada sa ikatlong puwesto ng Group F na siyang nagpalakas din sa tsansa ng Gilas na makapasok sa World Cup.

Tatlo lamang sa Group F ang papasok sa World Cup at sa ngayon kasi, nasa likod ang Gilas (5-3) ng Australia (7-1) at Iran (6-2) habang humahabol naman ang Japan (4-4), Kazakhstan (3-5) at Qatar (2-6).

Magugunitang noong Agosto ay tinanggap ni Guiao ang alok ng SBP na hawakan ang national team ngunit ito ay hanggang sa Asian Games at isang laro sa Asian Qualifiers lamang.

Nitong linggo, bumaba na ang orihinal na head coach na si Chot Reyes sa puwesto at para kay Pangilinan ay wala nang iba kundi si Guiao ang malamang na humalili sa naturang posisyon hanggang sa World Cup.

“Yes, I think so,” ani Pangilinan nang tanungin kung mananatili nga si Guiao sa puwesto. “I hope all the way to the World Cup. Yun ang objective di ba?”

Pahinga muna ngayon ang Gilas Pilipinas bago nga bumalik sa aksyon sa Nobyembre 30 kontra sa Kazakhstan at Disyembre 3 kontra sa Iran na parehong dito gaganapin sa bansa kung saan papayagan na ulit manood ang mga fans.

Show comments