Adamson Baby Falcons bumandera
MANILA, Philippines — Tinalo ng Adamson University ang Colegio De San Juan De Letran via double overtime, 54-51, para sa kanilang ikatlong panalo sa Group B ng Passerelle Division sa 33rd Season ng Small Baskeeters Philippines-Passerelle Twin Tournament sa Xavier School High School Courts sa San Juan.
Isinalpak ni Carl Miranda ang dalawang free throws sa huling anim na segundo sa ikalawang overtime para ibigay sa Baby Falcons ang 54-51 abante patungo sa kanilang panalo.
Umiskor si Rhein Miranda ng 15 points para sa Adamson kasunod ang 14 markers ni Miranda.
Nagdagdag si Clarence Ramos ng 10 points para sa Baby Falcons, may 3-1 baraha, habang nahulog ang Squires sa 1-2 marka sa torneong itinataguyod ng Milo at suportado ng Rain or Shine at Chris Sports.
Sa Group B play ng SBP Division, dinaig ng Ateneo De Manila University ang De La Salle Zobel Team A, 42-33, para sa kanilang ikatlong sunod na panalo.
Umiskor si Romeo Ebdane III ng 11 points para sa 3-0 marka ng Blue Eaglets at ipinalasap ang unang kabiguan ng Junior Archers sa tatlong asignatura.
- Latest