Nationals pinulbos ang Kazakhstan sa unang laro

Sinubukang kumawala ni Philippine team guard Stanley Pringle laban sa isang Kazkhstan defender.

 Isusunod ang China sa martes

MANILA, Philippines — Hindi pa nakalaro si Jordan Clarkson ngunit wa­la pa ring naging prob­le­ma ang Pambansang ko­­ponan sa madaling 96-59 panalo kontra sa Ka­zakhstan sa pagsisi­mula ng 18th Asian Games ka­hapon sa Gelora Bung Karno Basketball Hall sa Jakarta, Indonesia.

Nagpaparada lang ng 11 manlalaro pansaman­tala, umalagwa agad sa 12-2 iskor sa unang kan­to ang Nationals sa pa­ngunguna ng bagong sal­ta na si Stanley Pringle na naglaro para sa bayan sa kauna-unahang pagkaka­taon.

Bagama’t tumirik pan­samantala nang nagkasya lamang sa 16-9 iskor pagkatapos ng unang kanto ay hindi naawat pa ang Nationals sa ikalawang kanto kung saan tuluyan na silang lumayo, 41-20, laban sa mga Kazakhs papasok ng halftime.

Hindi na bumitaw sa ma­nibela ang koponan bu­hat doon at lalo pang ibinaon ang Kazakhstan nang dumating si Jordan Clarkson sa laro sa kalagitnaan ng third quarter tungo sa kumbinsidong 37-point win.

Bunsod nito ay umabante sa 1-0 kartada ang Pilipinas sa Group D ng quadrennial meet kasama ang Kazakhstan at China.

Giniyahan ng Globalport guard na si Pringle ang atake ng Pilipinas sa ini­listang 18 puntos, 4 re­­bounds, 2 assists at 1 steal.

Malaki rin ang ambag ng San Miguel center na si Christian Standhar­dinger sa ibinuslo niyang 15 puntos, 5 rebounds at 1 steal.

Siyam na taon naman matapos huling maglaro para sa bayan sa ilalim din ng head coach na si Yeng Guiao noong 2009 FIBA Asia Championship, maugong din ang na­ging pagbabalik ng mga beteranong sina James Yap at Asi Taulava.

Nagtala ng 12 puntos, 6 rebounds, 1 steal at 1 block si Yap, habang may 5 puntos at 3 rebounds na­man si Taulava.

Bukod sa kanila ay nakaiskor din ang pitong ibang pang Nationals pa­ra sa balanseng atake ng koponan sa kabila ng isang linggong preparas­yon lamang.

Sa kabilang banda, tanging si Anton Bykov lang ang nakapagpasiklab para sa mga Kazakhs sa kanyang 13 puntos, 5 rebounds at 2 steals.

Ngayong nakarating na si Clarkson, todo na ang puwersa ng koponan na magkakaroon ng apat na araw na pahinga bago ang inaabangang higanteng sagupaan kontra sa China sa Agosto 21.

PILIPINAS 96 - Pringle 18, Standhardinger 15, Yap 12, Lee 10, Tiu 9, Norwood 7, Belga 5, Taulava 5, Erram 5, Almazan 6, Ahanmi­si 4.

Kazakhstan 59 - Bykov 13, Gavrilov 9, Yergali 8, Zhigulin 7, Kuanov 6, Ba­zhin 6, Chsherbak 6, Mar­chuk 2, Maidekin 2, Yagod­kin 0, Murzagaliyev 0, Sat­keyev 0.

Quarterscores: 16-9; 41-20; 61-43; 96-59.

Show comments