Pinagod ng Celtics ang Cavs
Lumapit sa NBA Finals
BOSTON – Si superstar LeBron James lamang ang umiskor para sa Cleveland Cavaliers sa kabuuan ng fourth quarter at inamin niyang pagod na siya.
Isa ito sa mga plano ng mas batang Celtics.
Umiskor si rookie Jayson Tatum ng 24 points – ang kanyang pang-siyam na 20-point game sa postseason – para akayin ang Boston sa 96-83 panalo laban sa Cleveland sa Game Five at kunin ang 3-2 abante sa best-of-seven Eastern Conference finals.
“I just enjoy playing in the big moments, in the big games. That’s when I have the most fun,” sabi ni Tatum, kailangan pang umiskor ng 20-point game para makatabla kay Kareem Abdul-Jabbar sa rookie record na sampung 20-point game sa isang postseason.
Ito ang pang-10 sunod nilang panalo sa Boston para makalapit sa pagpasok sa kauna-unahan nilang NBA Finals sapul noong 2010.
Humakot si Al Horford ng 15 points at 12 rebounds habang tumipa si Jaylen Brown ng 17 points para sa Celtics.
Sina reserves Marcus Morris at Marcus Smart ay nag-ambag naman ng tig-13 markers.
Kung makakatabla ang Cavaliers ay dadalhin ang Game Seven sa Boston sa Lunes (Manila time).
“We’re looking forward to having an opportunity to force a Game 7,” wika ni James, tumapos na may 26 points at 10 rebounds. “It’s up to us to see if we can come back here for one more.”
Nagdagdag si Kevin Love ng 14 points para sa Cavaliers, hangad makaabante sa NBA Finals sa ikaapat na sunod na season.
Nagposte ang Boston ng double-digit lead sa first quarter hanggang makalapit ang Cleveland sa 71-83 agwat.
- Latest