1-2 finish ng magkapatid

Dumaan sa mga kabukiran ng Nueva Ecija ang mga siklistang kalahok sa Le Tour de Filipinas habang nasa inset ang third stage Winner na si El Joshua Cariño ng Team Navy kasunod ang kanyang kapatid na si Daniel Ven Cariño ng 7-Eleven.

MANILA, Philippines — Inangkin ng magkapatid na sina El Joshua at Daniel Ven Cariño ang Stage 3 ng 9th Le Tour de Filipinas matapos ang makasaysayang 1-2 fi-nish kahapon sa Linga-yen, Pangasinan.

Makaraang maghabol sa matarik na Dalton Pass sa boundary ng Nueva Ecija at Nueva Vizcaya sa unang bahagi ng pinakahabang lap ngayong Le Tour, sinamantala ng magkapatid ang pamilyar na ruta ng Pangasinan pagpasok sa huling 30 kilometro ng karera simula sa bayan ng Sta. Barbara.

Tubong Mangaldan, Pangasinan, hindi na nagpaawat ang Pangasinense pride na sina El Joshua at Daniel Ven hanggang sa finish line ng 185.2 kilometrong karera mula sa Bambang, Nueva Vizcaya upang magtapos na may parehong apat na oras, 28 minuto at 56 na segundo.

Bunsod nito, ang Cariño brothers ang naging kauna-unahang magkapatid na nagwagi ng isang leg bilang una at ikalawang puwesto sa kasaysayan ng Philippine tour na sanctioned ng Internartional Cycling Union.

“Dream come true ta-laga kasi history talaga yun. Gusto namin na gumawa ng history sa cycling na magkapatid na nanalo sa UCI-sanctioned tour,” ani El Joshua na nagtapos sa ikapitong puwesto sa Stage 2 kamakalawa.

“First time ko sa UCI mag-first tapos magkapatid pa kami. History talaga,” dagdag ng Philippine Navy-Standard Insurance bet na si El Joshua sa harap ng amang si Bienvenido na bumiyahe pa mula Ma-ngaldan upang masaksihan ang tagumpay ng kanyang dalawang anak.

Matapos naman ang panalo sa Stage 2 mula Cabanatuan City, Nueva Ecija hanggang Bayombong, Nueva Vizcaya, nagkasya lamang sa ika-15 puwesto sa Stage 3 ang Navy man din na si Ro-nald Oranza nang magtala ng mabagal na 4:30:40.

Dahil dito, naagaw sa kanya ni El Joshua ang yellow jersey bilang bagong lider ng karera matapos ang aggregate time na 8:17:23 habang hindi naman na-lalayo sa segunda ang kanyang kapatid na si Daniel Ven (8:17:27) mula naman sa 7/11-Cliqq RoadBike Philippines.  

Show comments