F2 Logistics sa finals

Dinipensahan ang atake ni Dindin Ma-nabat ng Foton nina Kim Fajardo at Cherry Nunag ng F2 Logistics.
PSL photo

MANILA, Philippines — Nangailangan lamang ng tatlong sets ang nagdedepensa at top seed na F2 Logistics para tapusin na ang pag-asa ng Foton Tornadoes, 25-19, 25-18, 25-21 at walisin ang kanilang best-of-three semifinal match, 2-0 sa 2018 Chooks to Go-Philippine Superliga (PSL) Grand Prix sa FilOil Flying V Center sa San Juan City.

Hindi na pinatagal nina imports Kennedy Bryan at 2017 MVP Maria Jose Perez, Kim Fajardo, Cha Cruz at Aby Maraño ang laro dahil ayaw nilang magkaroon pa ang 2016 champion Foton ng tsansa na maka-adjust sa laro.

“Talagang pinag-usapan namin na hindi bigyan ng tsansa ang Foton na maka-gain ng confidence dahil delikado silang kalaban at nadagdagan pa sila ng Jaja (Santiago), so talagang mahirap silang kalaban,” sabi ni Cargo Movers coach Arnold Laniog.

Haharapin ng Cargo Movers ang mananalo sa Petron at Cocolife sa best-of-three finals simula sa Martes. Ang Blaze Spi-kers at Asset Managers ay naglalaro pa sa isa pang semis match habang sinusulat ang istoryang ito.

“Every other game, we really tried to do more much better. Talagang pinaghandaan namin ng husto bawat laban. May system na rin kami dahil sinusunod namin ang ginawa ni coach Ramil (De Jesus). Kaya hindi na nagkaroon pa ng problema,” dagdag ni Laniog.

Umani si Kim Fajardo ng 24 excellent sets habang si Maraño ay umiskor din ng apat na atake, dalawang blocks at isang ace at limang atake na may kasamang dalawang blocks at isang ace naman mula kay Cha Cruz.

Nanalo ang F2 Logistics sa Game 1, 25-22, 25-23, 22-25, 25-22.

 

Show comments