Tigers pasok na

MANILA, Philippines – Sinakmal ng University of Santo Tomas ang Adamson University sa bendisyon ng pukpukang 25-20, 25-23, 19-25, 23-25, 15-11 desisyon upang hablutin ang huling tiket sa Final Four ng UAAP Season 80 men’s volleyball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Nasandalan ng Growling Tigers si Joshua Umandal na humataw ng 21 puntos tampok ang 20 attacks habang nakatuwang nito si Arnold Bautista na nakalikom ng 17 puntos at 13 digs sa larong tumagal ng dalawang oras.

Nagbigay din ng solidong kontribusyon si Tyrone Carodan na umani ng 13 puntos gayundin sina Manuel Medina na nagdagdag ng 10 puntos at Jayvee Sumagaysay na nagrehistro ng apat na hits, tatlong blocks at dalawang aces.

Inilatag naman ni playmaker Timothy Tajanlangit ang 38 excellent sets para tulungan ang UST spikers na makapagrehistro ng kabuuang 57 attacks.

Tuluyan nang namaalam sa kontensiyon ang Soaring Falcons na humugot ng 20 puntos mula kay team captain John Philip Yude, 18 puntos kay George Labang at 16 puntos kay Paolo Pablico.

Makakasagupa ng UST ang top seed National University sa Final Four sa Linggo sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Para pumasok sa finals, kinakailangan ng Growling Tigers na manalo ng dalawang beses laban sa twice-to-beat Bulldogs.

Maghaharap naman sa hiwalay sa semis game ang nagdedepensang Ateneo de Manila University at No. 2 at twice-to-beat holder Far Eastern University sa Sabado sa MOA Arena.

Show comments