70 triple double na si James

Iniwanan ni LeBron James ang tatlong Chicago Bulls defenders para sa kanyang basket.

CHICAGO - Ang ika-70 career triple-double ni LeBron James ang umakay sa Cleveland Cavaliers sa 114-109 panalo laban sa Bulls kahit wala ang anim nilang players.

Iginiya ng four-time NBA Most Valuable Player na si James sa tagumpay ang Cleveland na bumiyahe sa Chicago na wala ang mga may injury na sina Kevin Love, Rodney Hood, Kyle Korver, Larry Nance Jr., Cedi Osman at Tristan Thompson.

“For us to go 3-3 throughout everything as far as the injuries and available guys, I think it was a good trip for us,” sabi ni James, tumapos na may 33 points, 13 rebounds at 12 assists para maging ika-anim na player na nagtala ng 70 career triple-doubles.

Sa Phoenix, bagama’t naglaro nang wala sina stars Stephen Curry, Kevin Durant at Klay Thompson bukod pa kina Patrick McCaw at Omri Casspi ay tinalo pa rin ng Golden State Warriors ang Suns, 124-109.

Bumandera sina Quinn Cook at Kevon Looney para sa Warriors mula sa kanilang career-high 28 points at mga career-highs na 13 points at 6 blocked shots ni Looney, ayon sa pagkakasunod.

Nagtala naman si Draymond Green ng 25 points, 11 rebounds at 8 assists para sa Golden State na nagmula sa kabiguan sa Sacramento Kings noong Biyernes.

Pitong players ang umiskor ng double-figures para sa Warriors, nakabangon mula sa 15-point deficit sa second quarter para balikan ang Suns.

Sa New Orleans, pinabagsak ng Western Conference leading Houston Rockets ang Pelicans, 107-101 na tinampukan ng 32 points at 11 rebounds ni James Harden.

Show comments