Lomachenko inayawan si Pacquiao

MANILA, Philippines — Kinumpirma ni Bob Arum ng Top Rank Promotions ang pakikipag-usap niya sa kampo ni ‘pound-for-pound’ king Vasyl Lomachenko ng Ukraine para sa posibleng bakbakan nila ni Manny Pacquiao sa Abril.

Ngunit ang naging balakid ay ang isyu sa timbang na paglalabanan.

Ayaw ng ama at trainer ni Lo-machenko, ang World Boxing Organization super featherweight titlist na lumaban ang Ukranian superstar kay Pacquiao sa isang catchweight fight.

“There had been discussions to fight Lomachenko but the father of Lo-machenko didn’t want him to jump two weight classes,” wika kahapon ni Arum sa panayam ng BoxingScene.com

“Lomachenko will fight first at lightweight and then what we’re trying to do is have Manny fight a keep-busy fight and then fight Lomachenko in the fall,” dagdag pa nito.

Maraming boxing fans ang nagulat nang ibunyag kamakalawa ng Filipino world eight-division ang pakikipag-usap nila sa kampo ni Lomachenko.

“There are still talks on the weight, reducing the weight,” wika ni Pacquiao (59-7-2, 38 KOs) sa kanyang pagharap kay Lomachenko (11-1-0, 11 KOs).

Plano ng 29-anyos na si Lomachenko, sumuntok ng gintong medalya sa Olympic Games noong 2008 at 2012, na umakyat sa lightweight division.

Noong Disyembre 9 ay pinasuko ni Lomachenko si Guillermo Rigondeaux sa sixth round.

Tinanggihan din ni Egis Klimas, ang manager ng Ukranian champion, ang catchweight fight kay Pacquiao.

“No, it’s not truth,” wika ni Klimas sa panayam ng RT Sport.

Dahil dito ay tanging sina dating British light welterweight king Amir Khan at dating Mexican light welterweight titlist Mike Alvarado ang posibleng ikunsidera ni Arum na ilaban kay Pacquiao sa Abril.

Huling lumaban si Pacquiao noong Hulyo 2 kung saan tinalo siya ni Jeff Horn via unanimous decision at inagawan ng suot na WBO welterweight crown sa Brisbane, Australia. (RCadayona)

Show comments