Umpisa na ang giyera ng Cignal HD at CEU

MANILA, Philippines - Magsisimula na ngayong hapon ang duwelo sa pagitan ng Cignal HD at Centro Escolar University para pag-agawan ang titulo ng 2017 PBA D-League Foundation Cup sa pagbubukas ng kanilang best-of-three finals series sa Ynares Sports Arena sa Pasig.

Subalit bago pa magsimula ang labanan ng dalawang koponan ay problemado na si Hawkeyes coach Boyet Fernandez dahil sa pagkawala ni Raymar Jose na tumutupad ng kanyang obligasyon sa Gilas Pilipinas sa ginaganap na 2017 Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur.

“Losing Raymar during the Finals is a tough one, but we as a team understand that SEA Games basketball gold is very important to our country,” pahayag ni Fernandez.

Dahil sa pagkawala ni Jose, sasandig ang Cignal kay Jason Perkins para tumao sa shaded lane.

Aasa din sila sa kanilang mga shooters na sina Pamboy Raymundo, Jonathan Uyloan at Byron Villarias upang pangunahan ang koponan kontra sa CEU.

Hindi maitago ni Fernandez ang kanyang pag-aalala lalo pa’t nagawang ma-upset ng Scorpions ang topseed na Flying V Thunder sa nakaraang semifinals.

“We know that CEU is a very good team which is well-coached, and matching up with them without Raymar is a tough one. But we will find a way to limit (Rod) Ebondo,” wika ni Fernandez. “I’m also worried about their guards in the likes of (Aaron) Jeruta, (Orlan) Wamar, and (JK) Casiño, so we really have to bring our defensive mentality if we want to win Game 1 and the series.”

Sa panig naman ng CEU, hina-hangad ni coach Yong Garcia na magpatuloy ang nangyaring dream run para sa Scorpions.

“Wala namang nag-akala na makakaabot kami rito. Hindi naman masamang subukan kaya sabi ko sa players ko, we just try to stay focused and stick to our gameplan,” ayon kay Garcia. FML

Show comments