Globalport bumawi

MANILA, Philippines - Kasabay ng pagbangon ng Batang Pier mula sa nauna nilang kabiguan ay ang pagpapalasap sa Floodbuster ng pang-limang sunod nitong kamalasan.

Matapos kontrolin ang second period ay hindi na nagpaawat ang Globalport para pabagsakin ang Mahindra, 105-86 sa 2017 PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.

Ito ang ikalawang panalo ng Batang Pier sa pitong asignatura habang nalaglag naman ang baraha ng Floodbuster sa 1-7 at nanganganib na masibak sa mid-season conference.

Tumapos si point guard Stanley Pringle na may 24 points, 5 assists at 3 rebounds para pangunahan ang koponan ni coach Franz Pumaren.

“We should give credit to Terrence. Inspite of him being sick yesterday (Sabado), he still suited up just in case we will be needing him,” sabi ni Pumaren kay Terrence Romeo na naupo lang sa bench.

Tinangay ng Globalport ang 13-point lead sa halftime, 49-36 tampok ang 17 points ni Pringle hanggang ibaon ang Mahindra sa 62-39 galing sa jumper ni veteran guard Mike Cortez sa gitna ng third period.

Ang basket ni JR Quiñahan sa huling 5:12 minuto ng fourth quarter ang naglatag sa 25-point advantage, 95-70, ng Batang Pier para tuluyan nang alisan ng pag-asang makaba-ngon ang Floodbuster.

Samantala, papagitna naman ang 2017 PBA All-Star Weekend na tatampukan ng pagsagupa ng Gilas Pilipinas training pool laban sa PBA Selections sa Abril 26 sa Xavier University Gym sa Cagayan De Oro City, sa Quezon Convention Center sa Abril 28 at sa Hoops Dome Gym sa Lapu-Lapu City, Cebu sa Abril 30.

Pinaghahandaan ng Gilas ni national head coach Chot Reyes ang darating na SEABA Men’s Championships na nakatakda sa Mayo 12-18 sa Smart Araneta Coliseum.

 

Show comments