Back-to-back wins sa Lady archers

Hinatawan ni Mika Reyes ng La Salle sina Marian Alisa Buitre at Nicole Ann Tiamzon ng UP PM Photo/Joey Mendoza

MANILA, Philippines – Inangkin ng De La Salle University ang lide-rato matapos paluhurin ang University of the Philippines, 25-14, 25-13, 19-25, 25-20, sa UAAP Season 78 women’s volleyball tournament kahapon sa Philsports Arena.

Humataw si Majoy Baron ng career-high na 17 points para akayin ang Lady Spikers sa kanilang ikalawang sunod na panalo kasabay ng pagpapalasap sa Lady Maroons ng una nitong kabiguan.

“Maganda ang ipinakita ni Joy. Yun ang ini-expect ko sa kanya na ipapakita niya. As a senior, kailangang galingan niya talaga,” sabi ni La Salle coach Ramil de Jesus.

Pinamunuan ni Isa Molde ang UP sa kanyang 15 points, kasama rito ang dalawang service aces, habang nagdagdag ng 10 markers si Justine Dorog.

Samantala, umiskor si 6-foot-4 Jaja Santiago ng 20 hits at nagtala si Myla Pablo ng 13 hits at 6 digs para pangunahan ang National University sa 17-25, 25-20, 25-20, 25-20 panalo kontra sa Adamson University.

Ito ang unang panalo ng Lady Bulldogs at pi-nigilan ang Lady Falcons na madagit ang ikalawang sunod nitong panalo.

Sa men’s division, pinabagsak ng defending champion Ateneo ang Far Eastern University, 25-18, 25-19, 25-13, para angkinin ang liderato mula sa kanilang 2-0 kartada.

Naglista sina Rex Intal at Ysay Marasigan ng tig-11 hits at nagdagdag si reigning MVP Marck Espejo ng 10 points para sa Blue Eagles.

“We have to show ourselves na kailangang tapatan ang energy nila,” wika ni coach Oliver Almadro sa kanyang Ateneo squad.

Sa isa pang laro, di-naig naman ng Adamson University ang University of the East, 25-18, 25-14, 25-23, para sa kanilang unang panalo matapos malasap ang kabiguan.

Katabla ng Adamson ang FEU sa magkatulad nilang 1-1 baraha.

Show comments