NU Bullpups nakalusot sa Adamson

MANILA, Philippines – Umiskor si Justine Baltazar ng buzzer-beating tip-in para ungusan ng National University ang Adamson University, 68-66 kahapon sa UAAP Season 78 juniors basketball tournament sa FilOil Flying V Arena.

Tumapos si John Lloyd Clemente ng 20 points ngunit ang game winning basket ni Baltazar ang naging susi sa panalo ng Bullpups na may nine game winning streak na ngayon.

Nagdagdag si Rhayan Amsali ng 15 points at eight rebounds habang tumapos si Baltazar ng 12 points at nine boards para sa NU.

Nagpakawala si Aljun Melecio ng 17 markers para mapanatili ng De La Salle-Zobel ang kanilang kapit sa ikalawang puwesto sa pamamagitan ng 78-52 panalo sa University of Santo Tomas habang  bumalik naman sa winning form ang defending champion Ateneo na pinangunahan ni Shaun Ildelfonso sa kanyang 17 points, sa paggupo sa UP Integrated School, 75-67.

Umangat ang Junior Archers sa 7-2 mark, kasunod ang pumapangatlong Blue Eaglets na may 6-3 record.

Tumapos naman  si Kenji Roman ng double-double effort  na 17 points at 13 rebounds nang pa-sadsarin ng Far Eastern University-Diliman ang University of the East, 93-79 para makisalo sa fourth place.

Katabla ng Baby Tamaraws ang Baby Falcons sa 5-3.  Bumagsak ang Tiger Cubs sa 3-6 slate habang ang Junior Maroons  at Junior Warriors ay dumausdos sa 1-8 at 0-9 karta, ayon sa pagkakasunod.

Show comments