Warriors binuhat ni Thompson

Naghanap ng mapapasahan ng bola si Klay Thompson ng Golden State habang humahabol si Emmanuel Mudiay ng Denver.  

DENVER -- Kumamada si Klay Thompson ng 21 points at pinantayan ng Golden State Warriors ang best start sa NBA history matapos iligpit ang Denver Nuggets, 118-105.

Ibinandera ngayon ng nagdedepensang Warriors ang 15-0 kartada.

Dinuplika ng Golden State ang 15-0 start ng Washington Capitols noong 1948-1949 at ng Houston Rockets noong 1993-1994.

Maaaring wasakin ng Warriors ang naturang record kung muling mananalo sa Los Angeles Lakers.

Nagsalpak si Thompson ng isang 3-pointer sa hu-ling 2:08 minuto sa second quarter at hindi na nilingon ng Golden State ang Denver.

Ang mga reserves ang nagtala ng malaking bentahe kaya naipahinga nang husto si Stephen Curry sa kabuuan ng fourth quarter.

Tumapos si Curry na may 19 points na unang pagkakataon na hindi siya umabot sa 20 markers.

Naglista naman si Darrell Arthur ng 21 points para sa Nuggets, natikman ang ikatlong sunod na kamalasan.

Sa Oklahoma City, nagtala si  Russell Westbrook ng 31 points at 11 assists kabilang ang dalawang key baskets sa huling 63 segundo ng laro nang maghabol ang Thunder upang pigilan ang six-game winning streak  ng Dallas sa pamamagitan ng 117-114 panalo.

 

Show comments