Army Lady Troopers sumalo sa liderato

MANILA, Philippines – Naghatid ng dalawang krusyal na puntos si Jovelyn Gonzaga para bitbitin ang Army Lady Troopers sa 25-23, 23-25, 25-11,19-25, 15-13  sa mahigpitang panalo laban sa PLDT Home Ultera Fast Hitters sa Shakey’s V-League Season 12 Reinforced Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Ang down-the-line kill ni Gonzaga ang nagpalamig sa pagdikit ng PLDT sa 12-11 bago ang isa pang matulis na atake mula sa set ni Tina Salak na tumapos sa larong tumagal ng dalawang oras at dalawang minuto.

May 16 puntos si Gonzaga mula sa 14 kills at 2 blocks bukod sa 17 excellent digs, upang tapatan ng Army ang 2-0 karta ng UP Maroons sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s at handog ng PLDT  Home Ultera.

Si Honey Royse Tubino ay mayroong 16 puntos din at siya ang nagbigay ng triple matchpoint, 14-11. Nanguna si Aby Maraño sa 18 puntos at si Nerissa Bautista ay tumapos taglay  ang 12 hits para maipaghiganti rin kahit paano ang pagkatalo sa PLDT sa Open Conference finals.

Si Salak na may limang puntos, ay tumapos taglay ang 45 excellent sets at nanaig sa isa pang beteranang setter na si Rubie de Leon na may 33 puntos.

“Sobrang struggle kami dahil hindi kami maka-set ng play dahil hindi namin makuha ang first ball. Sa fifth set ay talagang nag-adjust kami,” wika ni Salak.

Si Aiza Pontillas ay mayroong 13 kills, 5 blocks at 1 ace para sa 19 puntos upang pa-ngunahan ang PLDT na bumaba sa 1-1 karta.

Nasa solong ikatlong puwesto ang Navy Lady Sailors sa 2-1 karta matapos ang 25-18, 25-23, 25-21  panalo sa baguhang Kia Forte na may 0-2 baraha. (AT)

Show comments